DSWD, nagpahatid na ng tulong sa 3 mangingisdang namatay sa banggaan sa karagatan

Ilang araw matapos mamatay ang tatlong mangingisda dahil sa isang aksidente sa karagatan ay binigyan na ng pamahalaan ng tulong ang mga naulila nito. Kabilang sa tulong na ibinigay ng DSWD ay ang pagbibigay ng burial at cash assistance, pati na rin ng mga family food pack.

Nagbigay ng cash assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naulila ng tatlong mangingisdang namatay matapos magkabanggaan ang kanilang bangka at isang malaking bapor na diumano’y isang oil tanker galing Marshall Islands.

Sinabi ni DSWD-Field Office 3 Director Venus Rebuldela na nakatanggap ng P10,000 ang bawat pamilya bilang burial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng ahensiya. Binigyan rin sila ng mga family food packs at tig P5,000.

“Our Central Luzon field office will continue to monitor and provide the necessary assistance to the families of the affected fishermen,” saad ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications and spokesperson Romel Lopez sa isang pahayag nitong Miyerkules, Oktubre 11.

Ang tatlong mangingisda ay kinilalang sina Dexter Laundensia, Romeo Mejico, at Benedick Uladandria, na pawang taga Brgy. Calapandayan sa Subic, Zambales.

Batay sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard, ang nasabing banggaan ay maaaring aksidente lamang.