DSWD: Mga sekyu, cashier, janitor, malaki pakinabang sa AKAP

Suportado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Suportado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na makatutulong ang naturang programa para sa mga minimum wage earner.

Paliwanag ni Gatchalian, karamihan sa mga programa ay nakasentro lamang sa mga mahihirap at hindi natututukan ang mga tumutulong sa ekonomiya ng bansa.

Aniya, bukas ang kanyang Kagawaran na ipaliwanag sa mga mambabatas ang kahalagahan ng AKAP.

“Gusto naming ipaliwanag kung bakit mahalaga magkaroon ng ganitong klaseng ayuda para sa ating mga minimum wage earners – sa mga sales lady, sa mga kahero sa mall, sa mga janitors, sa mga security guards,” saad ni Gatchalian.

“Sila iyong nagbabayad ng buwis pero kadalasan nga lahat ng programa namin sa aming departamento ay nakatuon sa mas mahihirap pa. Pero sila iyong tumutulong sa ating ekonomiya, pero sa oras ng kanilang pangangailangan, saan sila kakapit?” aniya pa.

Lahad pa niya, ang AKAP ay gagamitin bilang anti-inflation mechanism para maprotektahan ang mga minimum wage earner.