DSWD magkakaloob ng counseling sa kaanak at biktima ng landslide sa Maco, Davao de Oro

Inatasan ni Gatchalian si DSWD-Field Office 11 (Davao Region) Regional Director Vanessa Goc-Ong na mag-deploy ng social worker na kilala rin bilang “angels in red vest” para sa grief counseling sa pamilya na nawalan ng kaanak dahil sa landslide.

Magpapadala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga tauhan para tumulong sa counseling ng mga pamilyang nabiktima ng landslide sa Maco, Davao de Oro.

Ayon kay Secretary Rex Gatchalian bahagi ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para pagkalooban ng lahat ng tulong ang mga nasalanta at nabiktima ng pagguho noong martes, February 6.

Inatasan din ang kalihim na magtungo sa lugar upang alamin ang sitwasyon at kundisyon ng pamilya ng mga natabunan.

Kaugnay nito, inatasan ni Gatchalian si DSWD-Field Office 11 (Davao Region) Regional Director Vanessa Goc-Ong na mag-deploy ng social worker na kilala rin bilang “angels in red vest” para sa grief counseling sa pamilya na nawalan ng kaanak dahil sa landslide.

Isa sa mahigpit na tinututukan ng DSWD ang kalagayan ng tatlong taong gulang na batang babae na natagpuang buhay dalawang araw matapos ang pagguho.

Nakamonitor ang ahensya sa kundisyon nito habang nananatili sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City.