DSWD: Dagdag ayuda para sa mga rice retailer, ipinagutos ni PBBM

Posibleng magbigay pa ng karagdagang ayuda ang gobyerno sa mga rice retailer, ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.

Maaari pang taasan ang ipinamamahagi na P15,000 na ayuda sa mga rice retailers at kasalukuyan itong pinag-aaralan, ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.

Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na natanggap ng kagawaran niya ang utos ng Pangulo na tingnan pa kung may maibabahagi pang tulong para sa rice retailers. Ayon sa opisiyal, pinag-aaralan na ito ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Trade and Industry (DTI).

“Nakausap natin ang Pangulo. Inatasan niya ang DTI at DSWD na mag-calibrate pa para masiguro na kung kulang pa ‘yun, hindi tayo mag-aatubili na mag-adjust at magdagdag pa,” ani Gatchalian sa isang panayam.

“Para sa Pangulo, importante na mapangalagaan ang kapakanan ng mga MSME (micro, small, and medium enterprises). Alam natin na may sakripisyo sila ngayong mga panahon na ito kaya gusto ng gobyerno na matulungan sila. Alam natin na kahit negosyante sila, maliliit silang negosyante,” dagdag pa ni Gatchalian.

Matatanggap ng mga kwalipikadong rice retailer ang P15,000 ayuda sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD, paliwanag ng opisyal.

Patuloy pa rin ang pagbalangkas ng DTI at Department of Agriculture para sa mekanismo para sa ayuda at listahan ng mga benepisyaryo.