Drug analyst kinumpirma: PBBM negative sa cocaine

Kinumpirma ng isang drug analyst mula sa St. Luke's Medical Center na negatibo sa cocaine ang naging resulta ng pagsusuri kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2021.

Kinumpirma ng isang drug analyst mula sa St. Luke’s Medical Center na negatibo sa cocaine ang naging resulta ng pagsusuri kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2021.

Kamakailan lang, nadawit ang pangalan ng Pangulo sa kumalat na ‘di umano’y leaked documents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mga gumagamit ng iligal na droga.

Dahil dito nagpatawag ng pagdinig ang Senate committee on public order, at sa ikalawang pagdinig, ipinaliwanag ni Geresza Reyes ang naging resulta.

“As the analyst po, may lumabas na line. So sa drug test kit po natin, meron doong control line and line for drug analyte. Doon sa resulta may lalabas po dapat siya talaga na line as negative,” ani Reyes.

Dagdag pa riyan, sinabi rin ni St. Luke’s Medical Center-Global City drug testing laboratory head Dr. Cecilia Lim na dalawang minuto mahigit lang ay lumabas na ang resulta sa drug testing ni Pangulong Marcos.

“‘Yung two minutes and 54 seconds po kaya po talaga ng drug testing kit, mabilis po talaga lumabas ‘yung resulta, ‘Yung sinasabi pong five minutes, ‘yun ‘yung maximum time na i-aallow namin na lumabas ‘yung line ng drug test,” pahayag ni Lim.

“‘Pag lumabas ‘yung linya negative na kayo. Pero ‘yung nagiintay kayo magappear ng linya, hanggang five minutes ‘yung maximum,” dagdag pa nito.