DPWH, nagkabit ng mga pump sa Maynila kontra baha

Nagkabit ng karagdagang mga pump ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Maynila para makatulong sa paghigop ng baha mula sa kalsada patungo sa mga estero.

Nagkabit ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga booster pump sa Tondo, Sta. Cruz, at Quiapo sa Maynila para makatulong sa pagbawas sa baha sa mga naturang lugar tuwing malakas ang buhos ng ulan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Bonoan na ikinabit ang mga tinatawag na submersible axial pumps upang pataasin pa ang kakayahan ng Estero dela Reina at Estero de Quiapo na padaluyin ang tubig baha paalis sa mga kalsada at kalapit na lugar.

Ayon sa DPWH National Capital Region, nagkabit sila ng apat na unit ng submersible axial flow pumps sa kahabaang ng Estero dela Reina sa Sta. Cruz na may kakayahang humigop ng isang cubic meter ng tubig baha kada Segundo.

“Installation of booster pumps are among the priority projects of DPWH in the flood-prone areas of Manila as these will not only drain large amount of floodwater from the low-lying areas to the main drainage and to Manila Bay, but also separate debris from floodwaters therefore prevent clogging of waterways,” ayon kay Bonoan.

Bahagi rin ng proyekto ang pagkabit ng kumpletong gamit gaya ng pump house, generator sets, conveyor belt, at automatic trash rakes na nagtatanggal ng basura at lumulutang na debris para pigilan makapasok at magbara ang mga pump.

Ganito ring gamit at pump ang ikinabit ng DPWH sa bahagi ng Estero de Quiapo.

Nagkakahalaga ng P300 milyon ang kada proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.

Sasailalim ang mga pump sa testing at commissioning bago ito ma-turnover sa loob ng taong kasalukuyan.