Double time’ sila: DA, tinatrabaho pa ring maibaba sa P20 kada kilo ng bigas

Patuloy pa ring nagtatrabaho ang pamahalaan para maibaba ang presyo ng bigas. Sa katunayan, naniniwala ito na kaya pa rin maibaba ang presyo sa P20 kada kilo.

Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na “double time” nitong tinatrabaho ang pagpapababa sa presyo ng bigas hanggang makamit ang pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibababa niya ito sa P20 kada kilo.

Sa pahayag ng Palasyo, sinabi ni DA Assistant Secretary for Operations Arnel De Mesa na nagtutulungan na ang ahensiya, mga local government unit (LGU), at mga mangingisda upang pababain ang presyo ng bigas sa P20 hanggang P25 kada kilo.

“Everyone’s working double time and giving their share to make sure that the targets of the President are delivered,” sabi ni De Mesa.

Sa katunayan, ayon na rin sa DA, P25 kada kilo binebenta ang bigas sa “Bigasan ng Bayan” sa Negros Occidental sa tulong ng Federation of Irrigators Association of Central Negros-Bago River Irrigation System (FIACN-BRIS).

Bagaman gusto ng DA na pababain ang presyo ng bigas, tiniyak nitong tutugunan pa rin nila ang kapakanan ng mga magsasaka at rice producer.

“We are not only looking after the welfare of the consumers but the rice producers as well,” dagdag ni De Mesa.