DOTR: Kasuhan, parusahan ang mga sikyung nagnakaw, kumain ng pera sa NAIA

Mismong si Transportation Secretary Jaime Bautista ang nag-utos na kasuhan ang lahat ng kawani ng Office of Transportation Security (OTS) na sangkot sa pagnanakaw at pagkain ng pera ng isang banyaga sa NAIA kamakailan.

Pinasasampahan ng reklamo ng Department of Transportation (DOTr) ang isang security personnel na na-aktuhan sa CCTV na kinuha at kinain ang pera ng isang banyaga sa NAIA noong Setyembre 8.

Ipinagutos ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa Office of Transportation Security (OTS) ang pagsampa ng kaso sa isang security screening personnel nito.

Itinalaga na rin ni Bautista si Transportation Undersecretary for Legal Affairs Reinier Yebra para tumulong sa paghabla sa iba pang sangkot sa pagnakaw mula sa isang pasaherong Chinese na paalis ng bansa.

Hinikayat rin ng opisyal na siguruhing mapaparusahan ang mga sangkot sa pagnanakaw.

Tatlong kawani ng OTS ang iniimbestigahan matapos makita sa CCTV na may isinubong bagay ang isang security personnel sa kanyang bibig sabay inom ng tubig.

Ani Bautista, dismayado siya sa insidente na nangyari sa premyadong airport ng bansa.