DOJ: Teves, nagtatago sa isang bansa sa Southeast Asia, sa proteksyon ng isang ‘warlord’

Bineberipika ng Department of Justice ang impormasyon na kasalukuyang nagtatago ang suspek na si Arnolfo Teves Jr. sa isang bansa sa Timog-Silangan Asya, sa proteksyon ng diumanong “warlord.”

Nananatili sa isang bansa sa Timog-Silangan Asya nagtatago si Arnolfo Teves Jr., ayon sa impormasyon ng Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kasalukuyang bineberika pa ng mga operatiba ng gobyerno ang kinaroroonan ni Teves, na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad bilang pangunahing suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Diumano ring nasa proteksyon si Teves ng ilang “warlord” sa bansang pinagtataguan nito, ani Remulla.

“Nandoon pa rin siya, Southeast Asia pa rin, supposedly under the protection of a few local warlords, iyon ang balita sa amin pero titingnan natin, kasi ASEAN iyan e,” ani Remulla.

“Under sa ASEAN, we can actually ask them more upfront about what’s happening in their country, specially if it is somebody who is a known terrorist being harbored by anybody,” dagdag pa niya.

Ayon kay Remulla, sumusulat na ang kagawaran sa United Nations ukol sa ipinalabas na warrant of arrest ng korte laban kay Teves. Nais himukin ng DOJ ang mga miyembrong bansa ng UN para masakote si Teves, na kamakailang pinatalsik ng Kamara bilang kinatawan ng Negros Oriental.

Aniya, hindi balakid sa mga awtoridad ang balitang nasa proteksyon siya ng diumanong warlord sa bansang kinalalagyan ni Teves ngayon.

“Hindi namin nakikitang problema iyan. Ito naman ay puwede nating i-bilateral. Sa bilateral relations ng mga bansang iyan ay madaling magkasundo. Hindi nila papayagan na maging sagabal ito sa paghuli sa mga taong wanted for terrorism,” ayon kay Remulla.