DOJ, nangakong papanagutin ang pumaslang sa mamamahayag sa MisOcc

Walang puwang sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang anumang krimen, katulad na lamang ng pagpaslang sa isang mamamahayag sa Misamis Occidental.

Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na masusi nitong iimbestigahan ang pananambang sa radio broadcaster Juan Jumalon, na kilala rin bilang “DJ Johnny Walker.”

Batay sa mga ulat, si Jumalon ay nagtatrabaho sa kaniyang studio sa bahay nung binaril siya ng hindi pa nakikilalang salarin. Naisugod pa siya sa ospital ngunit dead on arrival na.

“We vow to spare no effort in ensuring a thorough investigation, the swift apprehension of the perpetrators, and their subsequent prosecution to the fullest extent of the law,” pagtitiyak ni Assistant Secretary and Spokesperson Jose Dominic F. Clavano IV.

Nagparating rin ng pakikiramay ang DOJ sa mga naulila ni Jumalon at hinimok ang lahat na magtulong-tulong upang malutas agad ang kaso at maprotektahan ang press freedom sa bansa.

“The Department of Justice reiterates its unwavering commitment to upholding press freedom and the safety of journalists. We recognize the indispensable role of a free and independent media in maintaining a healthy democracy. Any attempts to silence or intimidate journalists will be met with the full force of the law,” dagdag ni Clavano.

Nauna nang kinastigo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpatay kay Jumalon habang inatasan niya ang Philippine National Police na imbestigahan ito.

Bumuo na rin ng special investigation task group (SITG) ang Police Regional Office 10 (PRO-10) upang pangunahan ang pagtugis sa salarin.