DOH: Bivalent COVID-19 jabs, darating sa bansa sa pagitan ng end-2023, early 2024

Umaasa ang Department of Health na muling may darating na COVID-19 bivalent vaccines sa mga susunod na buwan.

Inaasahang darating ang donasyon ng bivalent vaccines laban sa COVID-19 mula sa COVAX Facility sa huling bahagi ng taon o sa simula ng susunod na taon, ayon sa opisyal ng Department of Health (DOH).

Tinataya sa 1.5 milyon hanggang 2 milyong doses ng bivalent COVID-19 vaccines ang kinakailangan ng gobyerno para ipagpatuloy ang bakunahan para sa mga healthcare worker at senior citizen sa buong bansa, ayon kay Health Undersecretary Enrique Tayag.

“So, inaasahan namin, na kung iyan ay magaganap, sa katapusan ng taon o sa mga unang buwang ng 2024,” ani Tayag sa isang media forum noong Martes, Setyembre 5.

Ang COVAX Facility ay isang pandaigdigan pasilidad na nagbabahagi ng COVID-19 vaccine ng libre sa mga bansang nangangailangan.

“Kung dumating, ganun pa rin ang magiging pakiusap ng aming Kalihim, na magamit iyan sa lalong mabilis na panahon,” dagdag pa ng opisyal.

Noong Lunes, Setyembre 4, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na umabot na sa 94 porsyento ng 390,000 doses ng bivalent vaccine mula sa gobyerno ng Lithuania ang naiturok na.

Ibinigay ito bilang booster shot para sa mga healthcare worker, senior citizen, at mga immunocompromised simula Hunyo 21.