DOE: Multa, kaso nag-aantay sa mga nagbebenta ng LPG nang iligal

Kakasuhan at papatawan ng multa ang mga mahuhuling nagbebenta ng tangke ng LPG nang walang lisensya, ayon sa Department of Energy

Nagbabala ng Department of Energy (DOE) na handa itong magsampa ng patung-patong na kaso at multa laban sa mga negosyante magbebenta ng tangke ng liquified petroleum (LPG).

Iginiit ng kagawaran na maaaring patawan ng multang aabot sa P5,000 kada araw ang mga negosyanteng matutukoy na nagbebenta ng LPG nang walang license to operate, ayon kay Senior Science Research Specialist Robert Cardinales ng DOE.

Sakaling malaman na itong mga negosyante ay repeat offenders, o paulit-ulit nang sinisita at hindi sumusunod sa patakaran, maaari pa silang kasuhan, kanselahin ang kanilang business permit, at parusahan ng pang-habangbuhay na pagbabawal mag-negosyo sa industriya ng LPG.

Hinikayat rin ng isang industry group ang mga kalahok sa industriya na kumuha ng lisensya ayon sa itinakda ng Republic Act No. 11592 or the LPG Industry Regulation Act. Nag-lapse na ang takdang deadline noong Hulyo 6, ayon sa LPG resellers group na Federation of Affordable Independent Refillers and Resellers of Liquefied Petroleum Gases in the Philippines Inc.

Ayon sa isang opisyal ng DOE, hindi na magkakaroon ng extension sa deadline ng registration, ngunit maaari pa rin magpasa ng aplikasyon.

“Wala pong extension [pero] hindi po ibig sabihin na bawal na po mag-apply. Kaya lang of course paso ang lisensya mo ngayon,” paliwanag ni DOE Oil industry Management Bureau Director Rino Abad. “Kung magbebenta sila at their own risk kung mapasyalan sila at ma-inspect. Kasi pag na-inspect yan, mape-penalize.”