DMW: Tuloy-tuloy ang ugnayan sa mga gobyerno para siguruhin ang kaligtasan ng 17 Pinoy na tripolanteng bihag ng Houthi rebels

Sinabi umano ng mga rebeldeng Houthi na patuloy nilang hahawakan ang mga hostage hangga't hindi tumitigil ang Israel sa pagsalakay sa Gaza.

Nakikipagugnayan ang Pilipinas sa iba pang mga gobyerno para masiguro ang pagpapalaya sa 17 mga tripolanteng kabilang sa mga dinukot ng rebeldeng Houthi sa cargo ship na sinalakay sa Red Sea, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

“Mayroon nang koordinasyon sa mga foreign government na makakatulong dito sa ligtas na pagpapauwi ng ating tripulante dito sa Galaxy Leader,” sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac sa isang panayam.

“Kaya sa ngayon, ongoing ang effort na ito na maligtas at maiuwi nang ligtas iyong ating mga seafarers dito sa Galaxy Leader. And again maselan ang sitwasyon,” dagdag pa ni Cacdac.

Ligtas sa kasalukuyan ang mga tripolante, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

“The good news is that we do know that our seafarers are fine and that the Houthi rebels have been indicating consistently that they do not intend to harm them,” ani Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega.

Ayon kay De Vega, may mga pagkakataon noon na dinadala ang mga hostage sa Yemen, at pinakawalan rin sila kalaunan.

Sinabi umano ng mga rebeldeng Houthi na patuloy nilang hahawakan ang mga hostage hangga’t hindi tumitigil ang Israel sa pagsalakay sa Gaza.

Naniniwala si De Vega na pakakawalan rin ang mga hostage ngayong umiiral ang apat na araw na tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas na nagsimula noong nakalipas na linggo.