DMW OIC: Ipagpapatuloy ang mga programa ng yumao na Secretary Toots Ople para sa mga OFW

Nangako si Undersecretary Hans Leo Cacdac na ipagpapatuloy ang mga adhikain at programa ng yumao Secretary Susan “Toots” Ople sa Department of Migrant Workers

Ipagpapatuloy ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga programang nasimulan ng yumao nitong kalihim na si Susan “Toots” Ople, at sisiguruhing matutupad ang kanyang mga pinangarap para dito, ayon sa itinalagang officer in charge ng kagawaran na si Undersecretary Hans Leo Cacdac.

Nais ni Ople na maramdaman ng mga OFW na mayroon silang bahay na matatakbuhan para sa kanilang mga pangangailangan, paliwanag ni Cacdac, na itinalaga ngayong linggo.

“Malaking gap… big shoes to fill ang kanyang iniwan,” sabi ni Cacdac sa isang panayam tungkol sa kanyang appointment bilang officer in charge.

“Kami ay mayroon nang direksyon na pangangatawanan at pagtitibayin pa namin,” dagda pa niya.

Una sa prayoridad ni Cacdac ang depensahan ang P15-bilyong budget proposal ng DMW sa Kongreso. Nakatakdang sumailalim sa pagbusisi ng Senado ang ahensiya ngayong paparating na linggo.

Nais rin ni Cacdac na palakasin pa ang P1.2 bilyong action fund para sa tulong legal sa mga nagigipit na OFW.

“Isa sa mga huling public statements niya ay makakapag-file, makakahanap tayo ng hustisya, makakakamit tayo ng hustisya sa mga OFWs na ang karapatan nila ay na-abuso,” aniya.

Tututukan rin ni Cacdac ang nabanggit ni Ople na bigyang prayoridad ang pagtatag ng cancer fund para sa mga OFW at ang pagsulong sa digitalization program sa loob ng ahensiya.

Noong Hulyo, inilunsad ng DMW ang isang app para sa mga OFWs na naglalayon pabilisin ang pagpoproceso sa mga kinakailangan nilang dokumento.