DMW kinandado ang isang opisina natukoy bilang diumanong illegal recruiter sa Paranaque

Pinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang opisina na diumanong nagsasagawa ng illegal recruitment ng mga manggagawa.

Kinandado ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang opisina sa Paranaque City na sangkot diumano sa illegal recruitment at pagsingil ng labis-labis sa mga aplikante nito.

Sa isang pahayag, sinabi ni DMW officer in charge Hans Leo J. Cacdac na nakatanggap ang kagawaran ng patung-patong na reklamo laban sa RTM Maritime Consultancy Services Corp. (RTM) mula sa mga manggagawang nirerecruit nito.

“We cannot allow these unlicensed agencies posing as ‘consultancy firms’ to continue offering supposedly lucrative job postings to our overseas Filipino workers (OFWs) and goading them to pay excessive amounts of money. This is criminal and unconscionable,” ani Cacdac, na nanguna sa operasyon na ikinasa ng kagawaran, kasama ang pulis at barangay.

Ayon sa isang nagsampa ng reklamo, pinangakuan siya ng trabaho bilang chief cook sa isang container vessel na patungo sa Dubai, na may buwanang sahod na US$900. Kapalit nito, hiningan ng RTM ang biktima ng P105,000 bilang “consultancy fee” sa paghanap ng trabaho.

Isa pang biktima ang lumantad at nagsabing pareho rin siya ng sinapit sa kamay ng RTM. Unang inalok ang pangalawang biktima ng trabaho bilang engine cadet na may sahod na US$350 kada buwan. Kapalit ng trabaho ang consultancy fee na P140,000, aniya

Parehong nag-apply sa trabaho ang dalawang biktima sa first quarter ng taon. Matapos ang matagal na pag-aantay, nagpasya silang makipagugnayan sa DMW para magsampa ng reklamo.

Natuklasan ng DMW na walang lisensya ang RTM mula sa kagawaran, at natukoy na pekeng trabaho ang kanilang inaalok.

Ayon kay Cacdac, sasampahan ng reklamong illegal recruitment ang mga opisyal ng RTM.

Hinikayat ng opisyal ang ibang biktima na makipagugnayan sa kagawaran upang panagutin ang RTM.