Diskarte lang! Sanib-pwersa ng PSA-LandBank, susi sa paglago ng basic deposit accounts – BSP

Lumago ng 170 percent (katumbas ng 21.9 milyon) ang mga Pilipinong kumuha ng basic deposit account (BDA) sa mga bangko noong unang tatlong buwan ng 2023 dahil sa kanilang pagrehistro sa Philippine Identification System (PhilSys), ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Lumago ng 170 percent (katumbas ng 21.9 milyon) ang mga Pilipinong kumuha ng basic deposit account (BDA) sa mga bangko noong unang tatlong buwan ng 2023 dahil sa kanilang pagrehistro sa Philippine Identification System (PhilSys), ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Kumpara sa kaparehong panahon noong isang taon, umabot lamang sa 8.1 milyon ang mga nagrehistro para sa BDA.

Dahil sa sumirit na bilang ng rehistro, umabot sa P27 bilyon ang halaga ng BDA deposit noong first quarter ng taon, mataas ng 432 percent mula sa P5.1 bilyon sa kaparehong panahon noong nakalipas na taon.

Ayon sa BSP, malaking tulong ang co-location strategy na ipinatupad ng Philippine Statistics Authority (PSA) at LandBank of the Philippines noong huling quarter ng 2022, na nagresulta sa pagbubukas ng 7.5 milyon na karagdagang BDA.

Naging matagumpay ang diskarteng ito dahil madaling nahikayat ang mga kababayan nating tinaguriang “unbanked” na maging bahagi ng pormal na financial system matapos sumailalim sa biometric registration.

Maliban sa co-location strategy ng PSA at LandBank, lumawig pa ang BDA matapos ang pag-alok nito ng limang pribadong bangko noong first quarter ng taong kasalukuyan na naglikha ng 4.3 milyong bagong bukas na account.

Sa ngayon, aabot na sa 158 na financial institution ang nag-aalok ng BDA sa buong bansa.

Nilikha ng BSP ang BDA noong 2018 upang mahikayat ang mga unbanked at low-income na Pilipino na magbukas ng account sa bangko. Ang mga BDA ay may mababang deposit requirement na P100 o mas mababa pa, simpleng identification requirement, walang maintaining balance at dormancy charges.

Insured pa rin ng Philippine Deposit Insurance Corp. ang mga BDA, at may mga pribadong bangko na nagbibigay ng kakayahang kumita ang BDA ng interes.