Disgrasya sa kalsada! 18 sugatan sa aksidente sa Camarines Norte, Masbate

Paalala ng mga awtoridad na palaging mag-ingat sa pagmamaneho para maiwasan ang mga disgrasya sa kalsada.

CAMARINES NORTE- Nasa kustodiya ng Basud Municipal Police Station ang dalawang sasakyang naaksidente sa Baranagy Poblacion sa bayan ng Basud nitong Linggo, Oktubre 8, 2023.

Nasapul ng CCTV ang aksidente kung saan makikita pa ang pagsabit ng isang pickup truck sa kasalubong na pampasadang jeepney.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na galing sa Lungsod ng Naga na papunta sana ng Daet, Camarines Norte ang pickup na minamaneho ni Bandiola Nuñez, 34-anyos ng Sitio Pinagpala, Barangay Kalayaan, Angono, Rizal subalit bago pa man makarating sa katabing probinsya ay nakain ng pickup ang linya ng jeepney na minamanheo ni Vilma Presentacion, 49-anyos ng Barangay San Pascual ng naturang bayan.

Nabatid na 12 ang sakay ng jeepney at apat naman ang sakay ng pickup na lahat nagtamo ng minor injuries.

Ayon kay Staff Sgt. Joy Cortez, nagka-areglo na ang dalawang panig.

Samantala sa Masbate City, sugatan din ang dalawang motorista matapos na magkabanggaan sa Barangay Kinamaligan alas-9:50 nitong Lunes, Oktubre 9, 2023.

Sa inisyal na imbestigasyon, head-on-collision ang nangyari sa dalawang motorista na nagtamo ng mga seryosong sugat at patuloy na ginagamot sa ospital.