Discount Pa More. Romualdez nais itaas ang Senior Citizen at PWD discount sa grocery

Iniutos ni Romualdez ang pagbuo ng isang technical working group (TWG) upang repasuhin ang Senior Citizen’s Act at baguhin ang mga ito kung kinakailangan para maitaas ang diskwento sa naturang sektor.

Nais ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na dagdagan ang nakukuhang diskwento ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) sa pagbili ng grocery.

Sa ngayon ay sinabi ni Romualdez na hanggang P65 lamang kada linggo ang maaaring makuhang diskwento ng senior citizens at PWDs na hindi na akma sa kasalukuyang presyo ng mga bilihin.

“Seniors and PDWs are currently getting a far too modest discount of P65 on their weekly groceries. We need to increase this,” sabi ni Romualdez.

Dahil dito, iniutos ni Romualdez ang pagbuo ng isang technical working group (TWG) upang repasuhin ang Senior Citizen’s Act at baguhin ang mga ito kung kinakailangan para maitaas ang diskwento sa naturang sektor.

Tinukoy ng Speaker na 5% na diskwento sa mga senior citizen at PWD sa pagbili ng piling grocery items at ang kabuuang halaga na maaaring lagyan ng diskwento ay limitado lamang sa P1,500 kada linggo o P65 lamang ang kanilang maaaring ma-discount kada linggo.

“This amount is no longer appropriate in the current economic climate, given the high cost of living,” ayon kay Romualdez.

Dagdag pa ng Speaker, “Many of our seniors and PWDs need to regularly purchase supplements or vitamins to maintain their health and strengthen their resistance to diseases, so it’s only fitting to include these in the discounted items as well.”