‘Dios mabalos sa indo gabos!’ Mga tindero sa Bicol, tourism officers nito, nagpasalamat sa ‘Firefly’ sa pagbida sa rehiyon

Kabilang sa mga tourist destination na naipakita sa “Firefly” ang Bulan Port ng Sorsogon, Cagsawa Ruins sa Daraga, at Barangay Gabao sa munisipalidad ng Irosin.

Nagpasalamat sa pelikulang “Firefly” ang tourism officers at mga tindero sa Bicol region dahil ipinakita nito sa sambayanang Pilipino ang angking ganda ng Bicolandia.

“Napakalaking bagay ito para sa amin. Unang-una, sikat na dati ang Cagsawa, so lalagyan pa natin ng sikat na mga celebrities, so malaking impact po ito sa amin lalong-lalo na sa mga nagnenegosyo,” paliwanag ni Cesar Lincaso, pangulo ng Vendors Association ng Bicol region.

Ayon naman sa Department of Tourism (DOT) ng Bicol, makatutulong ang pagbida ng “Firefly” sa ekonomiya ng rehiyon.

“‘Pag nakita natin ang sarili natin doon, nakita natin ‘yung sariling lugar natin, parang nakaka-proud. At ‘yung mga hindi naman taga dito sa atin, ‘pag nakita ‘yung Mayon, parang na-excite silang gawin ‘yun na ‘Oh, puwede palang puntahan ‘to,’” saad ni DOT Regional Director Herbie Aguas.

Kabilang sa mga tourist destination na naipakita sa “Firefly” ang Bulan Port ng Sorsogon, Cagsawa Ruins sa Daraga, at Barangay Gabao sa munisipalidad ng Irosin.

Ang “Firefly” ang tinanghal na Best Picture sa Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal.

BASAHIN RIN: “Firefly” at “Gomburza,” namayagpag sa MMFF 2023; Vilma Santos, wagi bilang Best Actress