DILG, Metro Manila mayors, handa magmatyag sa mga lungsod sa pagpapatupad ng takdang presyo sa bigas

Nagpahayag ng kahandaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kasama ang mga mayor ng Metro Manila sa pagtiyak na tatalima ang mga retailer ng bigas sa presyong itinakda sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 39.

Nagpahayag ng kahandaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kasama ang mga mayor ng Metro Manila sa pagtiyak na tatalima ang mga retailer ng bigas sa presyong itinakda sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 39.

Kasabay nito ang pangako ng mga administrador ng iba’t ibang mga pribado at pampublikong pamilihan na mag-aambag ng tulong sa Departments of Trade and Industry (DTI) at Agriculture (DA) habang ipinatutupad ang price ceiling sa bigas, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos.

Sa isang pahayag, kinastigo ni Abalos ang diumanong iligal na pag-imbak ng bigas na siyang naging sanhi ng pagsirit ng presyo nito sa mga pamilihan.

“Dahil sa kalokohan ng iilang mga tao na hino-hoard at mina-manipulate ang presyo ng bigas, galit na galit ang ating Presidente kaya ipapatupad ngayon ang mandated price ceilings sa bigas,” paliwanag ni Abalos.

Noong nakaraang Sabado, Setyembre 2, pinulong ni Abalos at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chair Don Artes ang mga alkalde ng Metro Manila upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin bunsod ng mandato mula sa EO No. 39.

Kasama sa pulong sina Mayors Jeannie Sandoval ng Malabon City, John Reynald Tiangco ng Navotas City, Ike Ponce ng Pateros at Wes Gatchalian ng Valenzuela City.

Ayon sa mga alkalde, kaagad nilang i-aactivate ang kani-kanilang mga local price coordinating councils na magmamatyag sa mga pamilihan sa lungsod. Nangako rin ang mga mayor na tutulong ang kanilang mga pamahalaang lungsod para siguruhin mapapatupad ng maayos ang price ceiling sa bigas.

“Susi ang market masters dito. Magtulungan tayong lahat para siguruhing sinusunod ang price ceilings sa bigas, kasama ang pulis at ang MMDA. Ang importante ay magkaroon ng tuloy-tuloy na supply ng bigas sa tamang presyo,” ani Abalos, na naglingkod rin bilang MMDA chairman noong nakaraan na administrasyon.

Binigyan na rin ni Abalos ng direktiba ang Philippine National Police na tumulong sa pagpapatupad ng EO No. 39

Magsisimula ang price ceiling sa bigas sa Martes, Setyembre 5. Itinakda sa P41 kada kilo ang regular milled rice, at P45 kada kilo naman ang well-milled rice. Hindi kasama sa takdang presyo ang special at premium rice.