‘Di uubra ang bawal: GCash nag-deactivate ng halos 4M accounts dahil sa ‘malicious activity’

Hindi bababa sa 4 milyong Gcash account ang na-deactivate na dahil sa mga fraudulent at risky transactions, samantalang 185 na malisyosong sites na rin ang naharang.

Inalis ng GCash kamakailan lang ang higit 4 milyong account sa platform nito dahil sa pagsasagawa ng mga mapanlinlang at peligrosong transaksyon, na siya namang nakakaapekto sa tiwala ng tao sa nasabing e-wallet.

“When we see transactions that are potentially fraudulent or risky, we are able to block them. We took down more than 4 million accounts in just 18 months, from January 2022 to June 2023,” paliwanag ni Oscar Reyes Jr., presidente at CEO ng G-Xchange na namamahala sa GCash, sa isang panayam matapos ang isang cybersecurity forum.

Dagdag pa ni Reyes na ang mga GCash account na ito ay naka-link sa mga malisyosong aktibidad, lalo na ang digital fraud, at dapat silang alisin sa app para sa kaligtasan at seguridad.

Hinarang rin ng GCash ang 185 na sites na kapag binuksan ay kayang nakawin ang GCash details ng isang user. Kaugnay nito, tiniyak ni Reyes na lalo pang pag-iigtingin ng platform ang kanilang cybersecurity upang mapanatiling “safe and secure” ang app.