Di pasisindak, di patitinag! 2 paaralan sa Maguindanao, sadyang sinunog para manakot—Comelec

Tuloy na tuloy pa rin ang halalan at wala nang makakapigil dito, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinadyang sunugin ang dalawang paaralan sa Maguindanao na gagamitin sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sa panayaw niya ngayong Linggo, Oktubre 29, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na tatlong sunog ang naganap sa tatlong magkakaibang probinsya sa Mindanao.

Tinukoy ni Garcia ang mga paaralan sa Barangay Ruminimbang, Barira sa Maguindanao del Norte; Barangay Poblacion, Dalican, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Sur; at Barangay Old Poblacion, Poona Piagapo sa Lanao Del Norte, kung saan sinunog ang mga ito ng hindi pa nakikilalang tauhan.

“‘Yung dalawang Maguindanao, lumalabas talaga na ‘yan ay arson. Ibig sabihin, sinadya talaga ‘yan. Dito sa Lanao del Norte, pinag-iimbestigahan pa dahil mukhang lumalabas naman na electrical connection ang problema do’n,” ani Garcia.

Giit pa ng opisyal na itutuloy ang halalan sa mga naturang lugar.

“Itutuloy at itutuloy pa rin ng mga kababayan natin ang pagboto sa lugar na ‘yan. Hindi tayo magpapakatakot sa mga gumagawa ng masasamang krimen na ‘yan,” ayon kay Garcia.

Wala namang nasirang mga gamit panghalalan at nagdagdag na ng tauhan ng pulis at militar na ipapakalat sa mga election hot spots, ayon pa sa opisyal.