‘Di papalitan ng robot: Mga korte sa PH, gagamit na rin ng AI — CJ Gesmundo

Isa sa pinakasikat ng teknolohiya ngayon ang artificial intelligence dahil napapadali at napapabilis nito ang mga karaniwang trabaho. Kung kaya't hindi na kataka-taka na pati ang hudikatura ay gagamitin na rin ito.

Sa isang talumpati para sa Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027, inanunisyo ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na gagamit ng artificial intelligence (AI) ang iba’t ibang korte ng bansa upang tumulong sa iba’t ibang mga proseso, gaya ng pagsagot sa mga tanong ng publiko.

Ayon kay Gesmundo maglalagay ang Korte Suprema ng self-help at public assistance services kiosks sa mga korte sa bansa, at sila ay pagaganahin ng AI.

“The kiosks will assist the public as to court processes and procedures, provide answers to some of their queries, and the like,” paliwanag ni Gesmundo.

Dagdag pa niya, ito raw ay bahagi ng bagong istratehiya ng hudikatura sa misyon nitong magbigay ng hustisya sa lalong madaling panahon.

“The experience of developing countries has proven that technological advances can assist in improving institutional reforms and enhancing their impact,” saad ni Gesmundo.

Gayunpaman, tiniyak niya na walang mawawalan ng trabaho sa inobasyong ito dahil ang mga court employees aniya ang “backbone of our judicial system.

Bagkus, bibigyan sila ng training para sila mismo ang makakagamit ng mga modernong teknolohiya.