‘Di napag-usapan? Bato gulantang sa planong pagtakbo ng Duterte trio sa 2025

Nagulat nang bahagya si Senator Bato Dela Rosa sa balita ni Vice President Sara Duterte na tatakbo sa 2025 senatorial elections ang mga kapatid at ama na si Digong.

Nagulat nang bahagya si Senator Bato Dela Rosa sa balita ni Vice President Sara Duterte na tatakbo sa 2025 senatorial elections ang mga kapatid at ama na si Digong.

“Medyo nabigla tayo,” pag-amin ni Bato sa isang panayam ng isang kilalang news network.

“Ngayon lang natin narinig yung balita so nabigla tayo. Anyway, para sa’min, masaya kami dahil kung totoo ‘yan, hindi kami magkakaroon ng lonely campaign,” dagdag ni Bato.

Bagama’t kilalang close si Bato sa pamilya Duterte, tila walang naibulong na balita sa kanya ang magkakapatid at may sariling plano ang mga Duterte.

Sa katunayan, nagsalo-salo pa sila Bato, Senator Christopher Bong Go, at Senator Francis Tolentino noong nakaraang linggo kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte ngunit hindi raw nila napag-usapan ang pagtakbo ng tatlong Duterte sa Senado.

“‘Yan ang ‘di napag-usapan, yung tungkol sa plano na pagtakbo nilang tatlo,” aniya.

Samantala, nang tanungin kung sino-sino ang bubuo sa senatorial slate ng partido, saad ni Bato na maaaring sumama sa kanilang hanay ang artistang si Philip Salvador.

“Baka nasa 85% nang sure si Philip, pero hintayin natin hanggang magpa-file ng candidacy,” sabi niya.