Di na yata maaawat! Presyo ng gas, krudo, kerosene, nakaambang tumaas muli sa darating na linggo

Inaasahang tataas muli ang presyo ng gasolina at diesel sa susunod na linggo, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy (DOE).

Inaasahang tataas muli ang presyo ng gasolina at diesel sa susunod na linggo, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy (DOE).

Ayon sa pagtaya mula sa pandaigdigang oil trading sa nakalipas na mga araw, sinabi ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero sa GMA News Online na maaaring tumaas ang presyo ng mga susunod na produktong petrolyo sa darating na linggo:

Gasolina – tataas sa pagitan ng P0.20 at P0.40 kada litro

Diesel – tataas sa pagitan ng P0.80 at P1.00 kada litro

Kerosene – tataas sa pagitan ng P0.90 at P1.10 kada litro

Sakaling tumaas ang presyo ng mga pangunahing petrolyo, ito na ang ika-8 na sunod na linggo na magkakaroon ng pagtaas ng presyo sa gasolina, habang ika-9 na sunod na linggo naman para sa presyo ng diesel at kerosene.

“We will be expecting another round of increase on the prices of petroleum products. This is attributed to China’s stimulus measure to alleviate fuel demand, the hurricane Idalia that hit the oil production and power generation facilities in the US Gulf of Mexico, and US government data showing tighter expected crude supplies,” paliwanag ni Romero.

Kadalasang inaanunsyo ng mga kumpanya ng petrolyo ang pagbabago sa presyo ng langis tuwing Lunes, na ipinatutupad naman sa kasunod na araw.

Noong nakalipas na Martes, Agosto 29, tumaas ang presyo ng gasoline ng P0.30, diesel ng P0.70, at kerosene ng P0.80 kada litro.

Sa kabuuan, tumaas na ng P14.80 ang presyo ng gasolina kada litro, P9.50 kada litro naman ang diesel, at P6.64 kada litro ng kerosene.

Ayon sa monitoring ng kagawaran, nasa pagitan ng P60 at P81.05 kada litro ang presyo ng gasolina sa Metro Manila, P58.95 at P72.20 kada litro naman sa diesel, at P76.65 at P89.30 kada litro sa kerosene.