‘Di magandang biro ‘yan: Lalaki, kalaboso matapos ang bomb joke sa MRT

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727, o mas kilala bilang Anti-Bomb Joke Law, Niño Gabrino matapos itong magsabi ng isang bomb joke sa Cubao Station ng MRT-3.

Isang pasahero ng MRT Line 3 (MRT-3) ang hinuli sa Cubao Station sa Quezon City noong Martes, Setyember 12, matapos magsabi diumano ng isang bomb joke.

Batay sa ulat ng pulisya, isang Niño Gabrino ang nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727, o mas kilala bilang Anti-Bomb Joke Law sa harap ng Quezon City prosecutor’s office.

Batay na rin sa ulat, iniinspeksiyon ng isang security guard ang bag ni Gabrino nang sambitin niya ang hindi magandang biro.

“May granada diyan sa loob. Sasabog ‘yan,” ang sambit umano ng lalaki.

Agad namang inaresto si Gabrino sa northbound entrance ng MRT-3 Cubao station.

Pinagsabihan umano si Gabrino ng mga security officers ng MRT-3 bago ito dinala sa Cubao police station 7.