‘Di lang sugalan, house of horror pa! Torture chamber, bistado sa sinalakay na POGO sa Pasay

Bukod sa mga kwartong ginagamit diumano sa prostitusyon, mayroon ring kwartong ginagamit para mang-torture ang isang POGO na sinalakay ng mga awtoridad sa Pasay City.

Tila lalong lumalalim ang kwentong ng sinalakay na Philippine Overseas Gaming Operation (POGO) firm sa Pasay City kamakailan lang.

Ang naturang firm, ang Smart Web Technology Corp, ay ni-raid ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Department of Justice (DOJ), sa isang gusali Williams Street, Pasay City dahil pugad ito diumano ng krimen, gaya ng sex trafficking o prostitusyon at iba’t ibang uri ng scam.

Bukod pa rito, nadiskubre rin ng mga awtoridad na may torture chamber pa ang nasabing POGO.

Ayon sa ulat ng “24 Oras” ng GMA, natagpuan sa isang kwarto sa gusali ang mga heavy duty taser, baseball bat, airsoft gun, at kahoy na pamalo, pati na rin mga posas.

“’Yung mga hindi daw nagbabayad ng utang lalo kung sila ay gumamit ng mga prostitution rooms saka nung mga babae dito, ‘yung merong mga may atraso sa kanila, ‘yun ang tino-torture nila doon sa room na yun,” paliwanag ni (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz kung ano ang silbi ng nasabing kwarto.

Kaugnay nito, na-inquest na ang anim na indibidwal na hinihinalang may kinalaman sa operasyon ng Smart Web Technology Corp, habang na-rescue naman ang mahigit 700 na biktima umano ng prostitusyon.

Pinaiimbestigahan na rin ang Pasay City Police sa posibleng kapabayaan.