‘Di lang sa Chocolate Hills! Mga resort naglipana rin sa Mt. Apo

Isa pang protected area ang nalusutan ng mga negosyante dahil ayon kay Senador Raffy Tulfo, maging ang Mt. Apo ay napatayuan na rin ng mga resort.

Isa pang protected area ang nalusutan ng mga negosyante dahil ayon kay Senador Raffy Tulfo, maging ang Mt. Apo ay napatayuan na rin ng mga resort.

Sa privilege speech ni Tulfo, sinabi nitong may nag-report sa kanya tungkol sa ilang resort sa Mt. Apo National Reserve.

“Ayon sa kanila, madami din resorts ang naglipana sa Mt. Apo National Reserve sa Digos side, ito raw Twin Mountain View Resort, MonteFrio Resort at Villa Recurso,” wika ni Tulfo.

“Labas na sa buffer zone itong mga ito, kung ang pagbabasehan ay ang nakita namin sa google earth and comparing it with the map of Mount Apo,” aniya pa.

Dahil dito’y pina-iimbestigahan ni Tulfo kung paanong nabigyan ng permit ang mga resort sa Mt. Apo.

Matatandaan na unang nalantad ang mga resort sa Chocolate Hills sa Bohol, na isa ring protected area.

Pinasara na ang resort sa Bohol habang patuloy pang iniimbestigahan kung papaanong nakapagpatayo ng istruktura sa paanan ng Chocolate Hills.