‘Di kami takot sa hacking-hacking na ‘yan! BI, kumpiyansa kontra cyberattack

Kumpiyansa si Immigration Commissioner Norman Tansingco na hindi mapapasok at makokompromiso ng mga cybercriminals ang sistema ng BI dahil sa matinding firewalls nito.

Ginarantiya ng Bureau of Immigration (BI) na secure ang Information Technology system nito at kaya nitong kontrahin ang mga cyberattack.

Sinabi ito ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa isang forum ng Manila City Hall Reporters’ Association, kung saan tinanong siya tungkol sa mga cyberattacks sa House of Representatives, Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Science and Technology (DOST), at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

“Tinanong ko agad sa IT natin, anong sitwasyon, kaya ba ng firewalls natin? Kaya ba natin ma-withstand iyong mga ganun?,” ani Tansingco. “Ang sabi sa akin, kaya, di tayo mapapasok… May mga attempts, pero ‘di nagiging successful.”

Dagdag niya, isinama ng BI ang ulat ng mga pagtangka sa ahensiya sa quarterly assessment ng Department of Communications and Information Technology (DICT).

Ayon pa kay Tansingco “unique” ang sistema ng BI kumpara sa ibang ahensiya ng pamahalaan dahil internal lamang ang operations nito.