DFA Secretary Manalo, pangungunahan ang delegasyon ng Pilipinas sa UN General Assembly

Tatlong miyembro ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang magtutungo sa New York para kumatawan sa Pilipinas sa United Nations General Assembly simula Setyembre 18.

Pangungunahan ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang delegasyon ng Pilipinas sa ika-78 na sesyon ng United Nations General Assembly (UNGA) sa UN headquarters sa New York City ngayong linggo.

Wala pang ulat kung idudulog ni Manalo ang resolusyong ipinasa sa Senado na humihikayat sa UNGA na kondenahin ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Makakasama ni Manalo sa delegasyon sina Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga at Health Secretary Teodoro Herbosa.

“The participation of three Cabinet members in the national delegation underlines the high significance that the Philippines attaches to its role as a responsible and engaged global citizen fully supporting the UN Charter,” ani Manalo sa kanyang pahayag.

“On behalf of President Marcos, I will deliver the Philippine National Statement during the UNGA General Debate… I will articulate the Philippines’ advocacies for respect for the rule of law and ambitious climate action, as well as our achievements and aspirations as a middle-income economy with an important voice in global affairs,” aniya.

Nakatakda magsimula sa Lunes, Setyembre 18 ang UNGA high-level week, at matatapos ito sa Martes, Setyembre 26.

Kasama ang Pilipinas sa mga nag-organisa ng mga side events na gaganapinsa high-level week.