DFA: Secretary Manalo, nagtungo sa Argentina para ipagdiwang ang ika-75 na taon ng pormal na ugnayan ng mga bansa

Magpupunta si Foreign Affairs Secretary Enrique A. Manalo sa Buenos Aires para sa pagdiriwang ng ika-75 na taong anibersaryo ng pormal na ugnayan ng Pilipinas at Argentina

Nagtungo si Foreign Affairs Secretary Enrique A. Manalo sa Buenos Aires simula Setyembre 11 bilang bahagi ng patuloy na pakikipagkaibigan at pagpapalakas ng relasyon ng gobyerno sa pamahalaan ng Argentina.

Ipagdiriwang rin ni Manalo at gobyerno ng Argentina ang ika-75 na anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic relations ng dalawang bansa, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs.

Haharapin si Manalo ng kanyang katuwang sa gobyerno ng Argentina, Minister for Foreign Affairs Santiago Andres Cafiero, sa Setyembre 13 para talakayin ang mga aspeto kung saan pwedeng magkaroon pa ng kooperasyon sa dalawang bansa. Kasama sa mga tinitingnan nila ay ang mga sumusunod: siyensya at teknolohiya; enerhiya tulad ng nuclear energy; agrikultura; pangangalakal at pamumuhunan, at cultural relations.

“The Secretary will also speak about the longstanding bilateral relations and cooperation between the two countries in the multilateral arena at the Consejo Argentino para Relaciones Internacionales, the foremost think tank in Argentina; and the Universidad de Belgrano,” ayon sa DFA.

Ang Pilipinas ang kauna-unahan sa rehiyong ASEAN na nakapagtatag ng pormal na ugnayan sa Argentina.

Nilarawan ng DFA ang pagbisita ni Manalo sa Argentina bilang patunay ng commitment ng bansa na palakasin at palalimin pa ang relasyon ng Pilipinas sa Latin America.