DFA: Export ng Hass avocado mula Mindanao, aprubado na ng South Korea

Pumayag na ang South Korea na mag-angkat ng Hass avocado, isang variety ng prutas, mula sa Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Inaprubahan na ng gobyerno ng South Korea ang pagtanggap nito sa Philippine Hass avocado exports sa Seoul, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon sa kagawaran, natapos na ng bansa ang mga requirements para sa pagpasok ng Hass avocado sa merkado ng South Korea, sa bisa ng ipinalabas na Official Notification 2023-33 ng South Korean Ministry of Agriculture, Food and Rural Affairs noong Setyembre 8.

“The Philippines may already export Hass avocado for the 2023-24 season as it is now compliant with the mutually agreed requirements in the workplan,” sinabi ng kagawaran sa isang pahayag.

Magmumula ang supply ng Hass avocado sa mga taniman at packing house ng Dole Philippines sa Davao, Bukidnon and South Cotabato.

Isang uri ng avocado ang Hass na may kulay na madilim na berde ang balat at matigtig. Kapag hinog na ito, nagiging kulay purplish-black ito at nabubuksan kapag pinisil ng dahan-dahan.

Bunga ng serye ng mga inspeksyon simula noong Pebrero ngayong taon ang natanggap na approval ng gobyerno para sa export ng Hass avocado.

Kinilala ni Philippine Ambassador to Korea Theresa Dizon-de Vega ang pinagsanib-pwersa ng mga ahensya ng gobyerno mula sa Department of Agriculture at mga attached agencies nito na nagtrabaho para sa proyekto.

“On the heels of the recently signed Philippines-Republic of Korea Free Trade Agreement, this is a welcome development for furthering our trade relations with Korea,” ani De Vega. “We are expecting commercial shipment of Philippine Hass avocado to Korea to commence soon.”