Dennis Padilla tiwalang ‘di lolokohin ni Gerald si Julia

Naniniwala si Dennis Padilla na hindi hahantong sa ghosting ang relasyon sa pagitan ng anak niyang si Julia Barretto at Gerald Anderson.

Naniniwala si Dennis Padilla na hindi hahantong sa ghosting ang relasyon sa pagitan ng anak niyang si Julia Barretto at Gerald Anderson.

Sa paningin ni Dennis, hindi dapat husgahan si Gerald batay sa kanyang nakaraan. Matatandaang napabalita na bigla na lang nawala o nag-ghost si Gerald sa dating kasintahan na si Bea Alonzo.

“Hindi mo pwede siyang i-generalize. Hindi porket nagawa mo noong una, magagawa mo ng pangalawa. Hindi naman. Ano ‘yan, eh, case to case basis,” saad ni Dennis sa isang panayam.

“After all these years, napatunayan niya na mahal niya ang anak ko at saka nakikita ko naman na talagang mahal niya ang anak ko kaya okay sa akin,” dagdag pa ng aktor. “Pagkatapos ng maraming kontrobersiya na ‘yan, mahal niya pa rin ang anak ko.”

Bukod pa rito, inihayag din ni Dennis na mas mainam kung hindi muna magpapakasal ang dalawa. Si Gerald ay 34 na taong gulang na, mas matanda ng walong taon kay Julia.

Taong 2019 nang hiwalayan ni Gerald si Bea kung saan ibinunyag ng aktres na bigla na lamang siyang hindi kinausap ng dating nobyo. Noong 2021 naman isinapubliko ni Gerald ang relasyon kay Julia, nang siya ay makapanayam ni Boy Abunda.