De Lima, abswelto na; Duterte babalikan!

"Kayo ngayon ang mananagot sa mga kasalanan niyo sa taumbayan!"

“Kayo ngayon ang mananagot sa mga kasalanan niyo sa taumbayan!”

Ito ang maramdaming pangako ni dating Senator Leila de Lima sa kanyang paglaya mula sa mga kaso ng drogang ipinataw sa kanya ng administrasyong Duterte.

Ngayong abswelto na, tutulong si De Lima sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nagpakulong sa kanya.

“Isa lamang po akong biktima. Libo libong Pilipino ang pinaslang nila noong nakaraang madugo at pekeng war on drugs,” emosyonal na sabi ni De Lima sa harap ng mga reporters sa Manila courtroom nitong Lunes, June 24.

“Maraming pamilya ang naulila. Yung iba nga hindi pinatay pero nabubulok lang sila sa mga kulungan dahil sa mali at baluktot na pagpapatupad ng batas. Isa po ako sa nakadanas n’yan, na walang katuturang pagpapakulong,” dagdag niya.

Naging ganap ang paglaya ng senadora matapos ipawalang bisa ng Muntinlupa Regional Trial Court ang ikatlo at huling drug case kaugnay sa pagkakasangkot umano niya sa mga illegal drug trade sa New Bilibid prison.

Nauna nang ibinasura ng Muntinlupa RTC ang dalawang kaso laban kay De Lima noong 2021 at 2023 dahil sa kakulangan ng ebidensya.