DBM: Mababang antas ng paggastos, kulang-kulang na dokumento, sanhi ng mas mababang budget proposal ng Pisay system sa 2024

Binabaan ng Department of Budget and Management ang budget ng Philippine Science High School System para sa susunod na taon dahil sa mababang paggastos na naitala nito ngayong taon.

Dinepensahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pasya nitong babaan ang pondo ng Philippine Science High School System (PSHSS) para sa susunod na taon sa isinumite nitong National Expenditure Program (NEP) for 2024 sa Kongreso.

Sa isang pahayag, sinabi ng DBM na humiling ang PSHSS ng P4.214 bilyon na pondo para sa susunod na taon, ngunit P2.701 bilyon lamang ang nirekomenda ng kagawaran.

“The remaining P1.513 billion was not recommended due to various considerations, such as the PSHSS campuses’ low absorptive capacity ranging from 66% to 84%, as well as the non-submission of pertinent documents to ascertain implementation readiness of the proposed infrastructure projects,” paliwanag ng DBM.

Mas baba ng P335 milyon ang budget proposal ng PSHSS para sa susunod na taon, kumpara sa P3.034 na nakuha nito ngayong taon sa ilalim ng general appropriations act.

Ang pagbaba ng budget ay dahil sa mga natapos na proyekto sa ilalim ng capital outlay nito ngayon taon.

Ayon kay PSHSS executive director Lilia Habacon, apektado ang mga infrastructure projects na gagawin sa mga science high school na may mga regional campuses.

Hindi rin mapopondohan ang pagtatayo ng mga bagong PSHSS campuses sa Calabarzon (Region 4A), Mimaropa (Region 4B), Soccsksargen (Region 12), Zamboanga and Caraga (Region 13), kasama na rin ang mga guro para rito.

Isang attached agency ng DOST ang PSHSS.