DAR: IRR sa batas na magbubura ng utang ng mga magsasaka, pipirmahan sa Setyembre 12

Target lagdaan ang implementing rules and regulations ng batas na magbubura sa utang ng mga magsasaka sa gobyerno sa Setyembre 12, ayon kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.

Pipirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act sa Setyembre 12, isang araw bago ang kanyang ika-66 na kaarawan.

Ayon kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, nangako siya na tatapusin ang IRR ng batas bilang regalo sa Pangulo, na tumatayong kalihim rin ng Department of Agriculture.

Ani Estrella, inaapura na ng kumite na binuo niya para balangkasin ang IRR. Mayroong 60 na araw ang kumite para tapusin ang pagbuo sa IRR.

Pinangungunahan ni Agrarian Reform Undersecretary for legal affairs Napoleon Galit ang kumite, at kasama niya bilang vice chair ng kumite si Land Bank of the Philippines executive vice president Alex Lorayes.

Tumatayong miyembro ng kumite sina Agrarian Undersecretary for special concerns and external affairs Marilyn Barua-Yap, National Irrigation Administration acting administrator Eduardo Guillen, Land Registration Administration administrator Gerardo Sirios, Landbank vice president Marife Pascua, at Agrarian Reform Undersecretary for policy planning and research Luis Meinrado.

Nagsagawa ng mga public consultation ang kumite sa mga malalaking komunidad sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang makuha ang pulso ng mga magsasakang magbebenepisyo sa batas na bubura sa mga utang nito.

Nagkakahalaga ng P57.57 bilyon ang buburahing utang ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na aabot sa bilang na 610,054 na magsasaka sa buong bansa. Sakop ng mga ARB na ito ang 1.17 milyong ektarya ng lupa.

Pinirmahan ni Pangulong Marcos ang batas noong Hulyo 7 at binanggit ito sa kanyang State of the Nation Address.