Dapat techie: Mambabatas sa DOH: Gamitin ang teknolohiya, social media para sa information drive

Pinayuhan ni Senador Bong Go ang DOH na gumamit ng teknolohiya at makipagtulungan sa mga LGU upang ipaalam sa publiko ang mga programa at proyekto nito para sa mamamayang Pilipino.

Gumamit kayo ng teknolohiya.

Iyan ang payo ni Senador Christopher “Bong” Go sa pamunuan ng Department of Health (DOH) matapos ilabas ng Capstone-Intel Corp ang isang survey na nagsasabing maraming mga Pilipino ang hindi nakakaalam sa mga programa ng ahensya.

Giit ni Go, dapat seryosohin ng DOH ang resulta ng nasabing survey at tugunan ito sa pamamagitan ng teknolohiya, partikular na ang social media.

“We need to be where the people are,” sambit ni Go, na chairman rin ng Senate Committee on Health and Demography. “Let us use technology and make the information about our health programs available to all.”

Dagdag pa ni Go, dapat makipagtulungan ang DOH sa mga local government units upang mapabatid sa mas maraming Pilipino ang mga programa at proyekto ng ahensya, gaya ng National Tuberculosis Control at Universal Health Care.

“They are our partners in making sure that every Filipino is aware of the health services available to them,” paliwanag pa ni Go.