Dapat laging handa! PBBM sa mga importer ng bigas: Kung legal ang transaction, dapat handa agad ang mga dokumento niyan

Hindi kailangan ng mahabang panahon para patunayan na legal ang mga inangkat na bigas ng isang importer, paliwanag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Gustong paikliin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pitong araw ang palugit sa mga importer para patunayan na legal ng kanilang mga inangkat ng gamit at pagkain tulad ng bigas.

Iminungkahi ng Pangulo ang pag-amyenda sa batas nang magbigay siya ng talumpati sa General Trias, Cavite kung saan namahagi ang gobyerno ng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“We are trying to lessen the 15 days into seven days. Because if you are a legal importer, you have all the documents. If authorities ask for it, you can provide it immediately. So why 15 days?” ayon sa Pangulo.

“Let’s do everything so the government would get them, the Bureau of Customs would get them,” dagdag pa ng Pangulo, patungkol sa puslit na bigas.

Bahagi ng mga nakumpiska ng bigas sa Zamboanga noong nakalipas na linggo ang ipinamahagi sa General Trias.

Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act, may 15 na araw ang sinumang apektado sa desisyon ng Bureau of Customs para i-apela ito.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Communications Secretary Cheloy Velicaria-Garafil na sinisikap ng administrasyon ang lahat ng paraan na maaari nitong gawin para paikliin ang palugit sa mga importer para patunayang legal ang kanilang pag-angkat.