Dagdag tulong sa mga magsasaka! Sobrang taripa sa RCEF, ibahagi na sa mga rice farmers—PBBM

Naglalayong pondohan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund ang mga programa para mapataas ang output ng palay ng mga rice farmers sa bansa.

Inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na gamitin ang sobrang nalikom sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) to sa pagtulong sa mga rice farmers.

Sa isang pahayag nitong Linggo, Oktubre 8, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ang sobrang nakolekta mula sa RCEF ay gagamitin sa pagbili at pamamahagi ng mga farming equipment para mas mapaganda ang production capacity ng mga magsasaka.

Nakasaad sa Republic Act (RA) No. 11203, o Rice Tariffication Act, na popondohan ang taunang P10 bilyong requirement nito mula sa kita ng gobyerno sa rice tariffs. Magagamit ang pondo para sa mga programa ng gobyerno para pataasin ang ani ng mga rice farmers.

Ipinag-utos na rin ng pangulo sa Department of the Interior and Local Government na makipag-coordinate sa mga local government units tungkol sa pass-through fees sa mga sasakyang may dalang agricultural products.