Dagdag subsidy sa magsasaka isinulong ng NEDA

Tiwala naman ang NEDA na magpapatuloy ang pagbaba ng inflation matapos maitala ang 2.8 percent noong Enero na pinaka-mababang naitala mula noong October 2020.

Kinokonsidera ng National Economic and Development Authority (NEDA) na magkaloob ng subsidiya sa agricultural sector.

Partikular na target, ayon kay Socioeconomic Planning Undersecretary Rosemarie Edillon ang mga magsasaka na pangunahing apektado ng El Niňo.

“Kailangang mayroon tayong targeted din na subsidy — puwedeng targeted subsidy sa mga farmers. Kaya ang naging subsidy natin is in terms of iyong sa production nila, iyong fuel subsidy kasi doon talaga sila tinamaan dito eh, sa fuel, sa fertilizer. Tapos iyon ding assistance para sa mechanization,” sinabi ni Edillon sa isang news forum.

Bukod sa magsasaka ay tinutuunan din ng pansin ang mga konsumer na nasa lower income bracket sa pamamagitan ng food stamps mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tiwala naman ang NEDA na magpapatuloy ang pagbaba ng inflation matapos maitala ang 2.8 percent noong Enero na pinaka-mababang naitala mula noong October 2020.

Maganda rin ang takbo ng unemployment rate sa 3.1 percent noong Disyembre 2023 na mababa kumpara sa 4.3 percent na naitala sa kaparehong buwan noong 2022.

“Talaga pong pababa ang ating trend. And actually, almost all sectors po nag-decline iyong inflation natin. Ang isa lang medyo sticky iyong rice and it’s really because ang taas ng bilihan ng palay noong fourth quarter of last year so you would expect also na kapag iyong bigas, magiging mataas din.”

Dahil sa magandang lagay ng inflation at unemployment kumpiyansa si Edillon na maabot ng Administrasyong Marcos ang target nito na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028.