Dagdag buwis sa 2024: Online selling platforms, digital financial service providers, papatawan na ng tax–BIR

Tiniyak naman ng pamahalaan na hindi saklaw ng bagong patakaran ang mga online merchant na hindi tataas sa P500,000 ang kita.

Buwis ang sasalubong sa mga electronic marketplace operators at digital financial service providers matapos ibaba ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang bago nitong patakaran na magpapataw ng 1 porsiyentong withholding sa mga nasabing platform.

Sa ilalim ng Revenue Regulation No. 16-2023, na pinirmahan ni Finance Secretary Benjamin Diokno at BIR Commissioner Romeo Lumagui, ang naturang withholding tax ay katumbas sa kalahati ng gross remittances ng mga e-marketplace operator at digital financial services providers sa mga online seller para sa mga produkto o serbisyo na nabili gamit ang nasabing platform.

“Si buyer, nagbabayad kay platform. Si platform ang magbabayad kay seller. S,o bago i-remit ni online platform kay seller kung magkano yung dapat niyang makuha, less yung commission niya, magwi-withhold siya ng 1 percent of one-half of the revenue,” paliwanag ni Lumagui.

Gayunpaman, tiniyak ni Lumagui na hindi saklaw ng bagong patakaran ang mga online merchant na hindi tataas sa P500,000 ang kita.

Nais rin ng BI na irehistro ang mga online seller upang mas mapag-aralan nito ang sakop ng e-commerce industry sa bansa.