Dadalhin ang Pasko sa WPS: Mga sibilyan, magdadala ng mga regalo sa mga tropa sa Ayungin Shoal, Patag Island, at iba pa

Isang araw bago ang pormal na simula na misyong ito, binomba ng barko ng Chinese Coast Guard ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na nagsasagawa naman ng resupply mission sa lugar.

Mahigit 140 sibilyan ang maglalayag sa West Philippine Sea ng tatlong araw upang magdala ng mga supply at Pamasko sa mga tropang nakadestino sa Ayungin (Second Thomas) Shoal, Patag (Flat) Island, at Lawak (Nanshan) Island.

Ang nasabing misyon, na inorganisa ng higit 40 volunteers mula sa Atin Ito (This is Ours) Coalition, ay pormal na magsisimula sa Linggo, Disyembre 10. Bukod sa pagdadala ng mga suplay at regalo, layon rin nito na ipakita na kaisa ng mga tropang nasa West Philippine Sea ang buong bansa sa layunin nitong protektahan ang teritoryo ng Pilipinas.

“The unprecedented three-day mission organized by the Atin Ito Coalition seeks to assert Philippine sovereignty in West Philippine Sea in the face of increasingly aggressive Chinese intrusions into the country’s exclusive economic zone,” paliwanag ng Atin Ito sa isang pahayag.

Tumahak pa-Palawan ang mga sibilyan sakay ng MV Kapitan Felix Oca noong Biyernes, Disyembre 8. Sasakay sila sa 40 fishing boats na sasama sa nasabing misyon.