‘Da King’ sa salita, galaw, gawa! Janice Jurado, nanumbalik ang magandang alaala kay FPJ habang ka-trabaho si Coco Martin sa ‘Batang Quiapo’

Habang nag-te-taping para sa Kapamilya serye na “Batang Quiapo,” kinalabit ng dating sexy star na si Janice Jurado si Lovi Poe at itinuon ang atensyon nila kay Coco Martin.

Habang nag-te-taping para sa Kapamilya serye na “Batang Quiapo,” kinalabit ng dating sexy star na si Janice Jurado si Lovi Poe at itinuon ang atensyon nila kay Coco Martin.

“Minsan nakaupo ‘yan sa malayo. ‘Yung upo ni FPJ, sabi ko kay Lovi, ‘Lovi, tingnan mo si Coco oh parang tatay mo,” kwento ni Janice habang kinakausap ang kanyang co-star na si Lovi. “[Sagot naman ni Lovi,] Oo nga no. Parang si Papa’. At saka may salita siya at may tayo na hindi naman niya sinasadya, para siyang nasasaniban [ni FPJ].”

Sinariwa ni Janice ang magandang alaala ni Da King Fernando Poe Jr. nang magpa-unlak ang dating sexy star ng interview sa YouTube channel ni Julius Babao. Umaani na ng lagpas 100,000 views ang naturang panayam.

Isang pagkakapareho rin ni Da King at Coco ang pagiging maalaga sa kanilang mga co-star at crew, ayon pa kay Janice, na nagpaunlak ng interview sa kanilang apartment.

Kwento ni Janice, mag-iikot si FPJ sa set upang alamin kung nakakain na ang lahat ng nagtatrabaho, mula sa mga artista, extra, at crew, bago siya kumain. Hindi rin pihikan ang Da King pagdating sa pagkain, dagdag pa ni Janice.

“Kung anong pagkain ng lahat, yun rin ang kakainin ni FPJ,” aniya.

Tulad ni FPJ, maaa\lalahanin rin si Coco sa kanyang mga ka-trabaho, lalo na sa mga nakakatanda, pagpapatuloy pa ni Janice.

Pagkatapos daw ng mga eksena, at may kaunting break, umiikot si Coco sa set at kukumustahin ang mga kasamahan, ani Janice. Isa-isang inaalam ni Coco kung ano ang lagay ng kanyang mga nakatatandang ka-eksena tulad nina Junee Gamboa at Odette Khan.

Nang matapos ang eksena nila kung saan nagkaroon ng takbuhan, agad-agad daw pinuntahan si Janice ni Coco upang alamin ang lagay niya.

“Sinabi ko kay Coco na hindi pa naman ako baldado,” mabilis na hirit ni Janice, na nagdulot ng bungis-ngis sa kanyang co-star.

Ang pagkakaiba lang daw nina Coco at FPJ ay ang diskarte nito sa dialogue at direksyon. Malumanay daw magbigay ng instructions si FPJ, habang animated si Coco sa direksyon, kwento ni Janice.