Customs, naharang ang tangkang pagpuslit ng P6-M na krudo sa Zamboanga City

Na-intercept ng Bureau of Customs ang isang barkong may dalang smuggled na krudo na nagkakahalaga diumano ng halos P6 milyon

Napigilan ng Bureau of Customs noong Setyembre 9 ang tangkang smuggling ng petroleum products sa bansa.

Ayon sa ulat ng ahensiya nitong Huwebes, Setyembre 21, na-intercept nito ang M/L Zshahuny II noong Setyembre 9 sa Brgy. Cawit, Zamboanga City. Ang nasabing barko ay may dalang 89,600 litro ng smuggled diesel fuel valued na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P5.8 million.

“The vessel, marked as M/L Zshahuny II, was apprehended while unloading fuel,” pahayag ng Customs. “When asked to present documents to prove the lawful importation of the fuel, they were unable to present any.”

Dagdag pa ng ahensiya, ang operasyon para ma-intercept ang barko ay nagsimula sa tulong ng intelligence information na nakalap ng Customs. Ayon sa impormasyong ito, may barkong galing Taganak Island, Tawi-Tawi na tatahak papuntang Zamboanga City upang mag-transport ng untaxed fuel products.

Nasa kustodiya pa ng Customs ang nasabing barko at ang laman nito at sasailalim ito sa initiation of seizure and forfeiture proceedings. Makakasuhan naman ang kapitan at crew nito.