‘Courageous step’ patungong kapayapaan: Romualdez, suportado rin ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at CPP-NPA

Tiwala si House Speaker Martin Romualdez na tama ang daang tinatahak ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maatim ang pangmatagalang kapayapaan.

Full support rin si House Speaker Martin Romualdez sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 29, tinawag ni Romualdez “courageous and important step towards a peaceful, united, and progressive country” and desisyong ito ng pangulo.

“Bilang lider ng ating bansa, ipinakita ng ating Pangulo ang kahandaan na makinig sa mga hinaing ng mga kapatid nating rebelde at maghanap ng solusyon para tuluyan nang matuldukan ang lahat ng kaguluhan sa ating mga komunidad,” aniya.

BASAHIN RIN: Unity sa salita at sa gawa: Peace talks sa pagitan ng gobyerno, rebeldeng NDFP, muling binuhay ni PBBM

Bagaman walang kasiguraduhang maaatim agad ang kapayapaan dahil sa usapang ito, naniniwala pa rin si Romualdez na makatutulong ito patungo sa pangmatagalang kapayapaan.

“Gayunpaman, umaasa ako na walang anumang kondisyon na magpapatigil sa usapang pangkapayapaan. Hindi dapat mawalan ng loob ang dalawang panig anuman ang balakid na haharapin nila sa negosasyon,” dagdag niya.

Una nang inanunsyo ng pamahalaan na magsisimulang muli ang usapang pangkapayapaan sa isang joint communique kasama ang CPP-NPA-NDF.