Convoy ng Misamis Occ Gov. Oaminal, tinamaan sa pagsabog ng bomba sa Clarin

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang lugar na pinagsabugan ng bomba upang matukoy ang mga salarin sa tangkang pagpatay kay Misamis Occidental Gov. Henry Oaminal.

Sumabog ang isang bomba sa Barangay Lapasan, Clarin, Misamis Occidental at tinamaan ang convoy ni Gov. Henry Oaminal, ayon sa militar.

Target ng bomba ang convoy ng governor na pauwi na sa kanyang tahanan, sinabi ng Western Mindanao Command (Westmincom) ng Armed Forces of the Philippines.

“We strongly condemn this barbarous attack of cowards who executed unprovoked aggression targeting the good governor of Misamis Occidental,” ayon sa pahayag ng Westmincom.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulis ang lugar para matunton ang mga salarin, ayon sa militar.

“Our troops are currently assessing the incident, together with the local authorities, to establish the circumstances and identify the perpetrator/s,” dagdag pa ng Westmincom.

Hinikayat rin ng Westmincom ang mga mamamayan ng probinsya na maging kalmado ngunit mapagpatyag, at siniguro na ang mga tropa ng militar ay mananatiling naka-alerto para ipagtanggol ang mga sibilyan sa mga maghahasik ng kaguluhan.