Congrats sa magandang mga grado, ser! Mataas na trust, approval ratings, salamin ng sipag, maayos na trabaho ng Kamara—Romualdez

Tumaas ng anim ng puntos ang trust at approval ratings ni House Speaker Martin Romualdez sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng Octa Research, patunay sa sinasabi ng opisyal na “pinagsamang sipag at pagtutulungan ng lahat ng miyembro ng House of Representatives sa 19th Congress.”

Tumaas ng anim na puntos ang trust at approval rating ni House Speaker Martin Romualdez sa pinakabagong survey ng Octa Research na inilabas noong Linggo, Oktubre 29.

Sa 3rd Quarter Tugon ng Masa survey ng Octa, nakuha ni Romualdez ang 60% trust at 61% approval ratings para sa kasalukuyang panahon, mas mataas ng 6% sa nakalipas na quarter kung saan nakuha niya ang 54% trust at 55% approval.

“Romualdez experienced an increase in his trust rating by 6 percentage points … due to the significant increase of 16 percentage points in his trust rating in Balance Luzon,” ayon sa pahayag ng Octa.

“Romualdez experienced an increase in his satisfaction rating by 6 percentage points. The significant increase that contributed to this was in Balance Luzon (by 22 percentage points). Also, he had an increase in Class ABC (by 2 percentage points) and D (7 percentage points) within the socio-economic classes,” ayon pa sa research firm.

Nakamit din ni Romualdez ang mga mataas na approval ratings sa Visayas (69%) at sa Class E (65%), ayon sa survey.

Ikinalugod ni Romualdez ang resulta ng pag-aaral, at nagpasalamat sa “ating mga kababayan sa patuloy na pagbibigay ng tiwala sa inyong lingkod at sa mga kasama kong mambabatas sa House of Representatives.”

“Ang mataas na satisfaction at trust rating na ibinigay ninyo sa amin ay higit pa sa simpleng numero. Ito ay salamin ng pinagsamang sipag at pagtutulungan ng lahat ng miyembro ng House of Representatives sa 19th Congress,” sinabi ni Romualdez sa isang post sa kanyang Facebook page.

“Bawat desisyon at panukalang batas na aming isinusulong ay bunga ng aming magkakasamang pagsisikap na paglingkuran ang ating mga kababayan,” aniya.

“Mananatiling gabay sa amin ang ganitong mga survey para malaman kung ano ang mga prayoridad na kailangan naming isulong sa Kongreso para mabigyan ng solusyon ang mga problema at hinaing ng ating mamamayan,” sinabi pa ng mambabatas.