Congrats! Bangsamoro local gov’t code, aprubado na ng parliament matapos ang 3 taon

Dahil sa bagong-pasa na batas, mas mapapalapit pa ng Bangsamoro government ang mga serbisyo nito sa mga mamamayan, ayon sa isang opisyal ng gobyerno.

Tatlong taon matapos magsimula ang pagtalakay sa batas, pumasa na ang Bangsamoro Local Governance Code (BLGC) sa regional parliament na ikinagalak ng mga mamamayan at mga lider sa iba’t ibang panig ng autonomous region at karatig probinsya.

Nagpahayag ng suporta sa BLGC si Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza, at nangakong ipatutupad ito sa 63 na Bangsamoro barangays na saklaw ng Region 12.

Ani Mendoza, chairwoman ng Regional Development Council 12, mas lalawig pa ang makakarating na serbisyo sa mga Bangasamoro barangays mula sa regional government at mga LGU na saklaw nito, alinsunod sa prinsipyo ng “devolution of powers” na nakapaloob sa BLGC.

Tatlong taon ring binalangkas ang BLGC sa tulong ng mga kinatawan ng parliament, mga eksperto at iba pang mga resource persons.

Layunin rin ng BLGC na wakasan ang political dynasty at monopolyo ng mga malalaking pamilya at angkan sa pulitika sa kanilang bayan at probinsya.

Nagalak rin sa pagpasa ng BLGC sina Cotabato Rep Samantha Santos at Midsayap Mayor Rolly Sacdalan, na parehong nakilalang sumusuporta sa peace process ng Palasyo at mga Moro communities na nagbigay-daan sa pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).