Comelec, tinitimbang ang pagsasagawa ng botohan sa malls

May mga positibong nakikita ang Comelec sa pagsasagawa ng botohan sa mga malls, ngunit may mga challenges rin naman, gaya ng kawalan ng mga waiting area.

Bagaman may mga positibo, gaya ng accessibility at convenience, mayroon ring mga kaakibat na balakid ang pagpayag na gawing botohan ang mga mall.

Matatandaang nagsagawa ng mall voting dry run ang Commission on Elections (Comelec) sa mga piling mall sa Manila, Cebu, at Legazpi City noong Agosto 19, at dito nito nakita ang mga challenges sa naturang setup.

“There are polling places with little spaces/entrance areas in the actual voting area that may make it difficult for PWD (persons with disability) voters to move through the voting area,” paliwanag ng Comelec sa isang report, kung saan pinansin rin ng ahensiya ang mga botohang “located at the uppermost level of the buildings.”

Kabilang sa iba pang mga challenges na nakita pa ng Comelec ay ang operating hours ng mga mall, na maaaring makaapekto sa oras ng pagboto ng mga botante, kakulangan ng mga waiting areas, at maliliit na signage.

Una nang nagkaroon ng kasunduan ang Comelec at SM Supermalls at Robinsons Malls para maging voting stations sa darating na Barangay at Sangguniaang Kabataan Elections sa Oktubre 30.