Comelec, tinatayang nasa 1.5M ang kumakandidato sa BSKE

Pormal ng tinapos ng COMELEC ang filing ng certificate of candidacy nitong Lunes, Setyembre 4. Nasa 1.5 milyon ang tatakbo para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections nitong Oktubre.

Nasa 1.5 milyon ang kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre.

Iyan ay ayon sa Commission on Elections (COMELEC), na tinapos na nitong Lunes, Setyembre 4, ang huling araw ng extended filing ng certificates of candidacy (COCs) sa Metro Manila at Abra.

Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, maliit na bilang na lamang ang nag-file nitong Lunes, at inaasahan ng COMELEC na aabot sa 1.5 milyon ang mga kandidato para sa BSKE.

Matatandaang binigyan ng extension ng COMELEC ang mga nais mag-file ng kanilang COC dahil na rin sa sama ng panahon, na nagdulot ng kanselasyon ng pasok sa mga sangay gobyerno.

Ngunit bago pa man ibinaba ang extension, halos 1.1 milyon na ang nakapag-file ng kanilang COC.

Ang 1.5 milyong kandidato ay maglalaban-laban para sa 672,016 na puwesto na kailangang punan sa darating na halalan. Sa kabuuan, humigit-kumulang 95,731 na naghahangad na maging barangay captain, samantalang 721,181 ang kandidato para sa konseho ng barangay. Meron namang 91,033 na tatakbo bilang SK chairperson at 482,217 na naghahangad na maging bahagi ng SK council.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng COMELEC ang mga kandidato na bawal na ang mag-promote sa social media.

Itinaas na rin ng kapulisan ang heightened alert upang masiguro ang mapayapang halalan.